First blog entry … po at opo ay mabisang gamot sa kalimot!

Ang “po at opo” ay mga salitang panggalang ng mga katutubong tagalog sa mga lumang lalawigan noong unang panahon.

Kung ang patutungkulan ay ang mga kaluluwa o anito ng mga ninuno, lubos na paggalang ang nasa isip ng mga katutubo, at masidhing pagsamba naman ang nadarama nila kapag ang kinakausap nila ay ang panginoong maykapal. ang dakilang lumalang.

Ang tawag nila sa ganitong gawain ay pagdarasal na ginaganap nila maging sa gitna ng dagat at bukirin, sa mga gubat at ilang, maging sa tuktok ng mga bundok, maipadama lamang ang taos-puso’t taimtim na pasasalamat sa  DAKILANG LUMIKHA sa pagkakaloob sa TAO at lahat ng nilalang ng LUPA, HANGIN, APOY at TUBIG na siyang simula ng lahat.

Nagulumihanan ang mga dayuhan sa PULO NG GINTO sa ganitong pamamaraan ng pakikipag-usap ng ibang katutubo kung bakit “ikaw, iyo, ka at mo” ang kanilang nagagamit sa pakikipag-usap, samantalang sa mga TAGALOG ay “kayo at inyo” at laging kasunod ang “PO at OPO” ang kanilang bigkas na mga salita.

Nagtaka ang mga dayuhang intsik, bisaya, indiyan, moro, muslim, mga sumasamba kay buda, mahoma at kristo, pero patuloy pa rin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga katutubong tagalog na tumanggap sa kanila ng buong paggalang.

Tahimik lamang ang pagmamatyag ng mga katutubo sa mga dayuhan na walang galang sa kanilang pakikipag-usap sa mga MAGINOONG MANDIRIGMA sa KATAGALUGAN.

Ang larawang ito ng mga pangyayari noong unang panahon ay itinuring ng mga katutubong tagalog na isang kalapastanganan sa maginoong lahi ng mga Pinga.

Sa kasalukuyan, sama-sama na ang mga taong tinaguriang Pilipino sa isang bansang tinawag nilang Pilipinas, kinalimutan na nila ang lupaing malaya.

Sa wakas ay matututuhan na rin ng mga dayuhan ang paggamit ng “po at opo”, bilang paraan ng wastong pakikipag-usap sa sinumang lahi o anumang dugo sa mundo, subalit hindi ganap ang pagkatuto ng mga dayuhan.

Akala nila ay sapat na ang paggamit ng “po at opo” sa bawat parirala dahil naroon na raw ang antas ng paggalang na itinuro sa kanila ng lahing tagalog.

Nalimutan nila na ang taos at tunay na galangan ay hindi lamang sa salita nakukuha o nakikita.

Hindi nila natutuhan na ang mga salita ay nawawalan ng laman kung hindi ito sasamahan ng mga binhi ng tunay na pakikipagkapwa dahil sa ang alam lamang ng mga dayuhang banyaga ay mangusap ng walang saysay sapagkat hindi nanggagaling sa puso ang kanilang mga salita.

Matagal na rin ang telebisyon at nabubuhay dito ang mga komedyante at mga taong ang hanapbuhay ay pamamahayag at marami din sa kanila ay may mga ninunong tubo rin sa pulo ng ginto ng mga TAGALOG.

Karaniwang napapanood sa kanilang programa ang kasaysayan ng mga naghihirap na kababayang walang magawa kung hindi makipaglaro sa katuwaan ng mga gustong magpatawa, kahit na nagiging katatawanan sila bilang tao, sa halagang limang libong pisong pabuya o higit pa na kanilang pag-aagawan.

Kapit sa patalim ang tawag ng mga nakakaunawa sa ganitong kalagayan habang nilulunok ng mga labandero’t labandera, tindero’t tindera,  mga naghuhukay at nagpapala, mga utusan at mga timawa ang kanilang hiya habang sila ay pinaglalaruan ng mga komedyante at balanang ang libangan ay manood ng telebisyon.

Pakiramdan nila siguro ay hindi halata ang paglapastangan nagaganap sapagkat pinapayungan nila ito ng palakpakan at sigawan ng mga nanonood, basta’t nag-ingay sa katatawa sa pakikinig at panonood, tama lang ang kanilang ginagawa sa kaniyang akala.

Pero ang mas matindi pa nito, sa tuwing babanggit ng mga salitang “po at opo” ang mga kasaling timawa, kagyat nila itong “itatama” at sasabihang “walang ng po at opo, oo na lang”.

Ito ang bagong kabihasnang gusto nilang lunukin ng mga tao, na ang ibig sabihin ay “kalimutan na natin ang nakaraan, ibaon na lang natin sa limot ang pagpapakita ng paggalang”.

Ewan ko kung hanggang saan makararating ang mga haluang-dugo na magkakaagaw sa paghanga ng mga karaniwang tao, subalit darating din ang araw na sila ay manghihina at lulunok ng sariling dura.

Hindi ko alam kung malilimutan ng mga tagalog na noong araw ang tawag natin sa pinakamatandang kapatid ay KAKA, sa maragsang bigkas. Ang malumay namang KAKA ay para sa pinakamatandang kapatid ng ating mga magulang.

Sa mga iba namang mga kapatid na matanda o malapit na kamag-anak, ang tawag ay MAMA at NANANG sa kanila ng mga pamangkin o apo, samantala, ang ATE, KUYA, DITSE at INSO ay mga katawagang natutuhan naman natin sa mga INTSIK na nanggaling ibayong dagat.

Ang mga hiram na salitang ate ay ipinalit natin sa KAKA ng mga tagalog. Panganay ang “KAKA” at ang pinakabata naman sa magkakapatid ay BUNSO at ang iba namang mga kapatid ay tinatawag nila sa kani-kaniyang palayaw na inuunahan nila ng katagang “KA” na pinaikling kapatid na kinasanayang din ng mga magdiwang ng katipunan.

May mangilan-ngilan ding nakatatalos na ang GINOO ay titulong panggalang para sa mga maginoong angkan noong unang panahon na ang mga pinuno ng mga bayan ay tinatawag na GAT at DAYANG dahilan sa ang mga raha, lakan, datu at sultan na tinawag nilang mga maharlika sa kanilang mga sari-sariling pinagmulan ay mga panauhin lamang sa pulo ng ginto na hindi katutubo sa lusong.

Si KA OPENG naman noon ang nagsabi na ang tawag ng mga tagalog sa mga magulang ng kanilang ina at ama ay TATA at IMA, at sa sariling mga magulang ay AMA, INA, AMANG o INANG ang tawag nila. NUNO o NINUNO naman ang tawag sa pinagmulan ng kanilang lahi na sinasamba nila bilang mga ANITO.

Si LOPE KA SANTOS rin ang nagsabi na ang “ka” ay daglat ng “kapatid, kasama, kasangga, katulong at kasama sa bahay” na karaniwang pantawag sa kapwa taga-ilog na may paggalang maging sino at anuman ang kalagayan sa buhay. Si Ka Openg ay ama ng balarilang tagalog at marami na siyang isinulat tungkol sa malalim na pinaggalingan ng wika ng kanyang mga ninuno.

Higit sa kanyang mga isinulat, mayroon din siyang naipalaganap na kaalaman sa wikang ito na hindi nailimbag o nabasa kailanman ninuman at saanman.

May mga mamamahayag naman na nagbalak maging “historian” ay nagbadya na ang ginoo sa “aba ginoong maria” ay tanda ng paggalang para sa mga babae at lalake, subalit hindi niya ito ipinaliwanag kung bakit nagkaganoon.

Maaaring napagtanto nila na ang mga MAGINOO ang kausap ng mga katutubo sa tuwing sinasambit nila ito.  Ang tandang ito na mataas na paggalang ang hiniram ng mga KASTILA para bigyan ng karangalan si maryang ina daw ni hesus na ginamit sa dasal na latin ng mga kristiyano.

Ang mga hungkag na kaalaman ay malalaman at malalaman din kahit anong pagtatakip, at ang laman ng utak ng mga nagpaham ay pangkaraniwan ding tulad ng mga timawang walang alam sa kanilang pinagmulan.

Walang salitang ALIPIN sa orihinal na tagalog na hinango lamang sa bisayang ORIPUN BUG-OS. Sa mga tagalog, simpleng salita lang ang itinatawag sa mga kapwa tao, katulad ng “katulong, kasambahay, kasama, kabalikat o kaagapay, kapanalig” pero hindi nagtagal ay lumitaw ang salitang “utusan” na ang kahulugan siguro ay pang-uuto na may paggalang mula sa karatig na pulo ng hapon.

May naglakbay na mga taga ibang pulo dito sa katagalugan noong unang panahon na namangha dahil sa kawalan ng mga alipin sa pang araw-araw na buhay ng mga katutubong tagalog.  Lahat ng mga tao dito ay naggagalangan sa pamamagitan ng “po at opo” at walang pinipili ang mga salitang ito maging mahirap man o mayaman.

Ang kasanayan ng mga dayuhan sa pagtawag sa kapwa ay hindi nila basta maisagawa sa mga kasamang katutubo. Mula noon nagkaroon ng salitang “utos san” dahil ang “san” ng mga dayuhan ay katumbas ng “ginoo” sa tagalog o “sir” sa ingles. Naging palagiang gamit na salita ito ng mga tagalog.

Pati na ang salitang “alipin, lipin o lipong” ng mga bisaya ay kinagawian na rin ng mga katutubong tagalog sa kanilang pananalita. Sa kabila ng ganitong pagyabong ng isang wika, unti-unti ring nawala ang tunay na kahulugan ng “panginoon” na ipinatutungkol lamang sa “maykapal” at hindi sa tao.

Bagama’t patuloy ang pananalig sa kapwa TAWO na nasasambit ng mga katutubo habang sila ay NAGNGANGANGA, binago ito ng mga dayuhan na nagsabing ang mga maginoo ay dapat tawaging “panginoon” ng bawat katutubo.

Bilang katunayan, ginaya nila ang mga mamamayang tagalog na nakapikit na nagdarasal na nakatingala  … “aba, aba ginoong maria, napupuno ka ng biyaya …”  bilang patotoo na si marya ay nabibilang sa katutubong maginoo.

Isinama pa nila ang salitang tagalog na  “siya nawa amen” na kinuha sa mga salitang “siyang ama namin” na ang pinatutungkulan ay ang amang makapangyarihan habang itinuturo nilang lahat ang langit.

Sa bandang huli, yumaman ng lubos ang wikang tagalog. Sa kapanahunan ngayon ay lalong yayaman ito dahil sa “text or computer language” na may ibang anyo at bigkas.

Dumating at lumipas ang panahon ng mga “”jeprox” at “hippies”, halos kasabay ng “swardspeak” ng mga bakla at lengguahe ng mga selda at kanto, kasama pa ang mga “jejemon” sa makabagong panahon.

Tatanggapin nating lahat ang pagbabago sa anyo at himig man, at magiging bukas ang loob sa nga bagong kaalaman pero ang kalimutan ang tunay na pinagmulan ng ating lahi ay hindi dapat mangyari.

Kaya ipinagdarasal ko ng taimtim ang pagdating ng oras na malalaman ng lahat ang tunay na angkan ng mga katutubong taga-ilog.

Tulad nina Monica Taisan, Emilio Jacinto, Ladislao Diwa, Martin Legazpi, Agustin Pangan, Macario Sakay, Licerio Geronino, Mariano Alvarez, Urduha, Dibuka, Maginoo Wanay at iba pang mga nagbago o binago ang apelyido sa mga dahilang pinaghalu-halo ng tama’t maling kasaysayan ng mga panahon.

Darating din ang mga oras na malalaman natin ang tunay na pangalan ng dalawang “maginoong mandirigma” na tumugis kina limahong at sioco hanggang sa kalayuan ng “talam-asin”.

Mababatid din natin sa hinaharap ang unang tawag sa lalawigang “pangasinan” at “pampanga” at mauunawaan din natin ang idinulot ng baluktot na dila sa pagbigkas at maling pagbasa ng mga dayuhan sa ating mga patinig at katinig ng mga pangalang tagalog.

Ang mga pangalang “tinga, sunga, binga, dingal, at marami pa”, ay binigkas ng mga taong hindi sanay sa dilang tagalog sa paraang madali sa kanila, at mga ito ay naging “teen-ga, sung-ga, been-ga, deeng-gal” na iba ang mga tunog at kahulugan.

Binali-baligtad nila ang mga tunog ng tagalog na “a,e,i,o,u” dahil lamang sa hindi nila maunawaan ang mga kudlit ng “baybaying tagalog”. Pati na ang salitang BAYBAYIN ay binago nila at sinabing ito daw ALIBATA na marami namang naniwala.

Ang LUPAING MALAYA ay pilit nilang pinaglaho’t pinalitan ng pangalang hango mula sa ibang mundo.

Sana naman ay hindi maglaho an “PO at OPO” na isa sa mga pamanang handog ng mga maginoong tagalog sa lahat ng tao sa mundo. Pamanang handog na isinama sa isang gawa… isang kasanayang kinakalimutan ng mga tagalog dahil sa makabagong ugali… ang gawaing “pagmamano sa nakakatanda”.

Ano nga ba ang kahulugan ng pagmamano? Katulad ba ito ng paghalik sa kamay o pisngi na karaniwan nating nakikita ngayon? Naglalahad ng kamay ang mga GAT at DAYANG noon at ipinapatong ang ito sa ulo ng mga mamamayan ng nasasakupang barangay bilang tanda ng pagiging kaisa.

Ganoon din ang ginagawa ng mga maginoo sa kanilang mga kalahi. Inaabot ng bawat isang timawa, mandirigma at mga namumuno sa mga bayan-bayan ang kamay ng maginoo upang idantay sa kanilang noo, bilang tanda ng kanilang paggalang at pagmamahal.

Ito ang mga tamang kaugaling naratnan ng mga dayuhan dito sa katagalugan na kanilang pinalitan.

Ang mga ito ang ating mga BALARILA … kailangan bang maglaho ang mga ito sa buhay ng mga TAO.  Mga ngiti lamang sa labi ang kaya kong ipamana sa mga pinga …

5 thoughts on “First blog entry … po at opo ay mabisang gamot sa kalimot!

  1. Pingback: First blog entry | parasapinga

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s