160th blog … si ka utiang! ang inang kong butihin! at aking amang si hermenigildo …

Ang taguri kay Dorotea ay Ka Utiang noong nabubuhay pa.

Isinilang siya noong ika-6 ng Pebrero, 1910 sa pulo, look ng karuhatan at malinta ng valenzuela na dating sakop ng lalawigan ng Bulakan.

Isa siya sa apat na anak, kung hindi ako nagkakamali, ng mag-asawang Lorenzo Juan at Antonia Jacinto.

Nakikintal pa sa isip ko ang himig ng “santa clarang pinung-pino” habang tumutugtog ang banda ng musikerong gumagala noon sa kapistahan ni san roque na malapit sa obando.

Kinatuwaan kong labis ang larawan ng parada ng kasiyahan na siyang nagbunsod sakin na mapasali sa brass band ng isang paaralan, bukod sa dahilan ng kahirapang dinanas ng aking nabalong ina sa pag-aaruga sa kanilang pitong mga anak na iniwan ng kanyang asawang namayapa.

Nalalasap ko pa rin ang sarap at linamnam ng sabaw ng sinampalukang manok na hinihigop ko noon sa mga tahanan naman ng kanyang mga kamag-anak sa lugar ng fortune village na tinawag na bukid noon sa tuwing pasko, at sa isla na pinamahayanan din ng kanyang mga pininsan at kapatid na bunso.

Sila ay mula sa angkan ng dugo ni emilio jacinto ng katipunan, na nagtaguyod ng adhikaing magdiwang ng mga pinga, at ang kalahati naman ng kanilang pinagmulan sa dugo ng kanilang ama ay ang huwan na mga tunay na mamamayan ng katagalugan.

Jacinto ang tanging dahilan ng pagbabago ng mga apelyido ng kanyang mga kaangkan na itinago nila sa mga pangalang roberto, morelos at meron pang mga iba, na sinamantala ng mga magdalo habang kinakamkam nila ang mga ari-arian ng angkan ng jacinto at juan.

Katulad din siguro ng maraming mga pinga na nagtago sa pangalang penya, pena, marcelo, pigna, pineya o pinea, bukod pa sa mga dahilan tungkol sa mga kamkaman ng mga lupang tagalog na tumatag sa panahon ng republika ng magdalo nina aguinaldo at quezon.

Hangarin nila na makaiwas sa mga pagtugis at panggigipit na isinagawa ng mga kastila at haluang-dugo sa mga pamilyang kasama sa nag-aklas sa pangunguna nina andres bonifacio at emilio jacinto.

Mula noon ay iniwan nila ang kanilang malawak na ari-ariang lupain at tahanan sa pulo, bulakan upang makaiwas lamang sa walang sawang pagtugis ng mga kalabang haluan ng mga kastila, bisaya, intsik, muslim, mestisong magdalo at mga banyagang dayuham na dito sa kamaynilaan nanirahan.

Mula sa lahi ng katutubong tagalog, alam ni ka utiang na ang baybay ng pangalang juan ay huwan o hwan na ang kahulugan ay taong katutubo.

Sa kanila pangalan din kinuha ng mga intsik ang kanilang wang, wan, o juan na dito sa nalimutang kahariang mabunga ng lupaing tagalog nagmula, sa mga lalawigang luma ng mga taga-ilog na ang mga pangalan ay pinalitan ng mga probinsiya ng mga kastila .

Apat na magkakapatid sina Ka Utiang na pawang naulila ng napakaaga at nawalan ng mga magulang na magpapalaki at mag-aaruga.

Dulot ito ng kasagsagan ng walang humpay na rebolusyon at pag-aaklas laban sa mga gobyernong kastila hanggang sa panahon ng mga amerikano.

Sa kanyang kapalaran ay may umampong mag-asawa na tubong pasig na kinilala niya sa tawag na ima at tata na sa kanya ay nag-aruga at nagpalaki mula pagkabata.

Ang kaawaawang ulila ng mag-asawang jacinto at juan ay naging isang napakagandang dalaginding, tahimik, madasalin at mapanatang nilalang.

Napusuan siya ng isang binatang taga-maybunga na ang mga ninuno ay mula sa angkan ng mga maginoong pinga, santos at jose.

Ang jose ay ang tunay na huse ng katagalugan tulad din ng mga huwan sa mga lumang lalawigang tagalog na sakop ng kahariang mabunga noon, at ang santos ay nagmula naman sa lahi ng emperyong hindu ng madyapahit sa bayang tinaguriang india.

Samantala, ang kanyang mga kapatid na sina lucila, ligaya at maria ay maaga ring nakapag-asawa at nagkaroon ng mga sari-sariling pamilya.

Hindi na nila nalaman kung paano at saan naman napadpad ang nag-iisang kapatid na lalaki na sa kanila ay napahiwalay sa lugar daw ng pinagbuhatan ayon sa isang napagtanungan.

Ang maginoong kabiyak sa puso ng magandang dalaginding ay si hermenigildo na isa sa mga iilang nakapag-aral o umabot ng grade VII sa paaralang publiko noong tuluyan ng nagapi ng magdalo ang mga magdiwang sa panahon nina aguinaldo at quezon sa tulong ng kanilang kakamping mga kastila, amerikano at haluang-dugo.

Ang magiting na ama ay nagmay-ari ng mga kalesa’t kabayong panghanapbuhay, sakayan ng mga tao pagluwas o pag-ahon sa kanilang paglalakbay sa buong kamaynilaan, sa halip na maglakad noong panahon nila.

Naging maayos ang pamumuhay nilang mag-asawa sa isang payak, masikhay at marangal na paraan habang gumagawa ng mga palayuk-palayukang laruan si ka utiang na nag-ambag ng malaking tulong na pagkakitaan para sa ikabubuhay ng kanilang mag-anak.

Madali silang nakaipon ng sapat ng salaping pambayad sa gobyerno upang mapasakanila ang isang loobang tunay namang bahagi ng napakalawak na looban ng ninuno ng kanyang asawa.

Tinayuan nila ng isang bahay na malaki bagama’t yari sa kahoy, kawayan at pawid na naging tahanan nilang mag-anak.

Ang palayuk-palayukan ay gawa sa lupang hinukay sa sariling looban at dinidilig ng tubig para lumambot at lumapot habang nilalamas ng mga paa.

Ang lupang minasa ay hinuhulma namang paikot sa hugis ng palayok at pinapatuyo at dinadarang sa init ng araw sa loob ng maghapong tirik ang araw upang matuyo.

Kapag tuyo na, ang mga palayok ay isinasalansan at tinatabunan ng mga kahoy na sinisilaban para mag-apoy. Ang mga palayok ay naluluto sa ganitong paraan, at alam din nila ang kahalagahan ng lihim ng lamba ng niyog at pulot ng pukyot.

Ang looban nina Ka Utiang ay bahagi ng malawak na lupain ng mga maginoong angkan ng mga pinga na inilit at kinamkam ng gobyerno dahilan sa hindi pagbabayad ng buwis katulad ng iba pang mga lupain ng mga maginoo sa katagalugan.

Ang mahabang lupaing bumabaybay sa magkabilang pangpang ng ilog wawa mula sa paanan ng amang bundok na patuloy na tumatalunton sa magkabila at makipot na bahagi ng bitukang manok hanggang sa bunganga na tinawag noon na lawang babayi ay ang malawak na lupaing payatas ng maginoong angkan ng mga tunay na taga-ilog.

Hindi pa dumurugtong noon ang ilog wawa sa ilog pasig na nagkaisang dibdib lamang ng tuluyang magkaroon ng bagong-ilog, na sa ngayon ay naging isa ng baryo o baranggay ng siyudad ng pasig.

Pito ang mga nabuhay at lumaki sa mga anak nila na sina avelina, simeon, pablo, sofronia, pedro, zenaida at manuel, na pawang nakapag-aral hanggang sa kolehiyo.

Dalawang taong gulang pa lamang ang bunso sa mag-anak ng bawian ng buhay ang kanilang ama, at dito nagsimula ang kalbaryo ng isang ulirang ina.

Nag-isa siya sa pag-aaruga, pagpapalaki at pagpapaaral sa mga anak na naulila, at ang nag-iisang kaagapay niya ay ang panganay na anak na babae. Nakatulong din niya ang sumunod na anak na lalaki na naging abala sa pangungutsero noong una subalit maaga ring nagkaasawa at nagkaroon ng sariling pamilya sa kalookan ng maynila.

Hindi naglaon, ang gurong panganay ay nagkaasawa at nagkapamilya sa isang abogadong taga marikina, at naiwan ang nag-iisang pag-aaruga ng natitirang mga kapatid sa kanilang ina.

Sa kabutihang palad ay napagtapos din ng butihing ina ang kanyang mga anak na sunud- sunod na nag-asawa sa mga angkan ng fulgencio, salud, guzman, natanauan, damisil, pulian at guizon.

Ang pagpupunyagi ni Ka Utiang sa kabila ng kahirapan at maagang pagpanaw ng kabiyak sa panahon pa naman ng mga himagsikan ay ang dahilan upang siya ay ilahok na pagpipilian ng “women’s club ng maybunga” para sa “ulirang ina ng Pasig”.

Isa siya sa mga nagkamit ng karangalang iginawad ni senador jovito salonga na nagbanggit sa kanyang talumpati na sa ganang kanya ang pinakaulirang ina ay si ka utyang dahil sa kahirapan ng kanyang pagpupunyagi.

Sa katauhan ni ka utyang iginawad ang bukod-tanging karangalan ng bayan ng pasig.

Sa kanyang payak na katauhan ko lamang unang nalaman ang mga lihim ng angkan ng pinga na naisusulat pa niya sa paraang kabi o kawi ng mga tagalog.

Sa kanya ko rin unang narinig ang pagbilang sa paraang bulilang sa pamamagitan ng mga sungka.

Sa kanya ko rin napatunayan ang mga lihim ng lupang payatas o pangako ng mga pinga sa mga timawang tagalog na una kong naririnig sa mga kuwento ng mga matatandang katutubo.

Muli siyang inilahok sa patimpalak ng buong lalawigan ng rizal na dinaluhan naman ni senador gil puyat bilang panauhing pangdangal.

Bawa’t bayan sa lalawigan ay nagpadala ng isang kinatawan na siyang pamimilian bilang ulirang ina ng Rizal.

Minarapat ng mga nangangasiwa na isali lahat ang mga inang lumahok sa patimpalak ng bayan ng pasig sa mga kalahok sa lalawigan ng rizal.

Kasama silang lahat sila sa nagwagi ng karangalan na nakatala sa kasaysayan ng  “federation of women’s club of the philippines”.

Ang lahat ng mga inang inilahok  ay batay sa kagustuhan ng bawat baranggay, at hindi kailanman dahil sa sariling kagustuhang ninuman, lalo na ng pamilya ni ka utiang.

Dahilan nga sa pagdarahop na pinagdaanan noong kabataan, nakaabot lamang si ka Utiang ng ikalawang baitang ng mababang paaralan, na hindi naging sagabal sa kanyang pagpupunyagi upang maging dalubhasa sa pagbasa at pagsulat.

Katunayan, ang lahat ng nilalaman ng buong pasyon ay nakaya niyang sauluhin at ang mga dasal sa simbahan ay alam niyang bigkasan at isulat ng walang mali, maging sa latin, kastila o tagalog.

Bunga marahil ito ng mataas na antas at angking katalinuhang taglay niya, maging sa larangan ng pagkuwenta.

Sa kabila pagpanaw ng kanyang kabiyak na si Hermen, nabakas pa rin sa mukha ng murang edad ng ulirang balo ang sariwang kagandahang tagala subalit kailanman ay hindi pumasok sa kanyang isip ang muling pag-aasawa.

Labis-labis ang panahong iniukol niya sa naulilang pamilya na ang tanging gabay lamang ay ang mga taimtim na pagdarasal at pagsisimba.

At ang tagumpay na kanyang inaasam-asam para sa kanyang mga anak, sa pangalan ng kanyang kabiyak, ay kanyang tinamo nang buong kababaang-loob.

Inalam niyang ng lubos ang mga kamag-anakan ng yumaong asawa, na sa kanyang pagkakalam at pagkatuklas ay nagmula sa isang “maguinoong angkan” na unang namuno sa isang kaharian ng katagalugan.

Ang mga itinagong lihim ng itinanging angkan ng kanyang namayapang kabiyak ay unti-unti niyang isiniwalat, pati na ang mga kagitingang pilit na tinatakpan ng mga nag-aral na mananalaysay ng kasaysayang tagalog.

Pati na ang mga lihim ng magdiwang na batayan ng pagkakabuo ng samahang katipunan nina andres bonifacio, na ang nakaalam lamang ay iilang mga heneral tulad nina emilio jacinto, macario sakay, mariano alvarez at glicerio geronimo.

Naranasan din niya ang inaasam-asam na kalagayang walang pangamba tungkol sa pang-araw-araw na kakainin o ikabubuhay ng kanyang mga anak. Nanatili siyang nagsisikhay na walang rangya hanggang katandaan.

Walang bahid-dungis na inialay niya ang sariling karangalan sa kanyang pamilya, at kanyang tinandaan ang mga gintong aral ng pagkamaginoo ng kanilang mga ninuno bilang pamana sa kanyang sariling mga anak.

Dumating si Ka Utiang sa kaniyang huling hantungan noong ika-22 ng Enero, 1983 sa gulang na pitumpu’t tatlo, at inilibing sa pasig catholic cemetery.

Ang dahilan ng kanyang pagpanaw ay ang tuluyang panghihina ng katawan dulot ng mataas na presyon ng dugo at kumplikasyon sa puso, na pinalala ng simple pero matinding trangkaso.

Dinala siya sa abm hospital na kung saan ay isinailalim siya sa mga makabagong pagtuklas ng sakit, at kinabitan ng mga aparato na noon lamang niya nakita at naramdaman sa buong buhay.

Sa kanyang pagdedeliryo, wala siya ginawa kung hindi ang bumulong ng mga lihim na dasal na hindi nauunawaan ng mga nars na nagbabantay.

Sa pag-aakalang ito ay mga salitang walang kapararakan o kahulugan, ang mga “incoherent words” ay ipinalagay ng mga nagdalubhasang duktor ng ospital na sintomas ng epekto sa utak na dulot ng isang sakit na hindi naman nila mapatunayan.

Kaya, isinailalim muli ang kawawang nilalang sa pagsusirig magpapasok sa kanya sa kuwebang kinalalagyan ng maraming nagkikislapan at nakasisilaw na mga ilaw, kasali ang mga tunog na noon lamang niya narinig, na nagdulot ng lalong sukdulang pagdedeliryo ng kanyang isip.

Ang matinding sakit na trangkaso ay natabunan ng panibagong paglala ng mga nararamdaman ng kanyang mahinang katawan, dahil sa paniwala ng mga dalubhasa o pagnanais na makatuklas pa ng iba pang uri ng karamdaman sa isang matandang katawan.

Ito ang kaunaunahang pagpasok ni Ka Utiang sa isang ospital at naging pinakahuli sa kanyang buhay. Pumanaw siyang tuluyan na ang tanging pamana sa mga naiwan ay isang karangalang dapat ipagmalaki.

Si Dorotea Jacinto Juan ay tunay na ulirang ina, asawa ng isang maginoong tagalog na ang pangalan ay Hermenigildo Jose Santos Pinga.

Sila ang mga ninuno nina Jiro, Sachi, Issey, Diego Raem, Sophia Alaya,  Maxene Alaya, Joshua Inigo, Kai, Julia, Isabella, Manuel II, Joel, Elita Joy at Elita Jill.

Lahat sila ay nagpasasalamat sa kanilang mahal na mga ninuno na sina Ka Hermen at Ka Utiang na taglay ang utang na loob sa kanilang puso at pagkatao.

Mabuhay ka, Inang ko! Mabuhay ka, Amang ko!

ang inyong lingkod, pinga … parasapinga!

Advertisements

2 thoughts on “160th blog … si ka utiang! ang inang kong butihin! at aking amang si hermenigildo …

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s