258th blog … o ano? tatagalugin pa kita, gusto mo?…

ang binangunan ay matandang pook batay sa sulat sa bato o petroglyphs na natagpuan sa bundok nito.

pitong libong ektarya ng lupa daw ang nasasakupan nito na merong mga tatlong daang libong katao noong taong 2000 pataas.

ang salitang ugat ng binangunan ay “bángon” o pagtindig mula sa pagkakahiga, pagkakadapa, pagkakariwara o pagkahandusay ng mga katutubo noong unang panahon na muling tinindigan ng mga sugatang bayani.

sa baybay ng mga tagalog, walang pinag-iba ang “o” at “u”, maging ang “e” at “i” dahil kung ano ang bigkas ay siyang sulat at kung ano ang sulat ay siyang bigkas, na kinasanayan ng mga katutubong nagnganganga.

ang binongan naman ay isang uri ng punongkahoy na maririkit at pabilog ang dahong luntian sa unang sibol na nagiging mapula, na hinahaluan ng suka para maging mabisang pagkit o pandikit.

ang mga binongan din ay mga taong katutubo na maaaring pinagmulan ng pangalang binangonan.

ang kamuning binangonan (raya exotica) naman ay isang punungkahoy na paboritong gamit sa bonsai o punungkahoy na pandak, dahil sa tigas at maliliit na dahong lungtian nito.

sumasagisag din ang kamuning sa tatag ng naturang bayan para mabuhay sa kabila ng kahirapan at mabalasik na panahon.

sakop noon ng binangonan ang angono at kapwa nakaharap sa lawang babayi na tinawag naman ng mga kastila na lawa ng laguna o laguna bay na hango naman sa sinaunang tagalog na babayi, babaye o babae.

ang mga mamamayang tagalog ng binangonan ay gumagamit ng baklád o pitak-pitak na kulungan ng mga isda bilang bakod na lambat;

gamit din nila ang pantí na na pangaladkad sa ilalim ng tubigan at panghuli ng ayungin at tilapya, búbo o buhô na mga sisidlang pinapainan ng darak o sapal ng niyog na pambitag ng hipon;

pangáhig o galadgád na lambat na may pabigat at ikinakahig sa ilalim ng tubig sa tulong ng mga bangka para hulihin ang mga biya, suso, at iba pa …

tulad ng sakág na bitag para panghuli ng hipon; kitáng na merong mga tansi at liteng na may paing nakakabit sa kawil; paluwáy o lambat ng dalág o biya;

púkot o malaking lambat na inihahagis sa laot; at dála o bilog na lambat na may pabigat ang mga gilid at ginagamit na panghuli ng dalag o kanduli.

mayaman sa mga isda ang lawa, tulad ng ayungin, bangus, biya, dulong, gurami, hipon, hito, kanduli, karpa, suso, palos, talibantan at tilapya.

maalam din sa pagsasaka, pagmamanupaktura, pagmimina ng bato, pakikipagkalakalan, pag-aalaga ng hayop, at iba pang gawaing yaring-kamay.

Lim-bón-lim-bón  – panlalansi; panlilinlang, halimbawa sa ibon o hayop: pook na maraming panlansi, panlinlang, o pantaboy sa ibon o hayop, gaya ng panakot-uwak.

Bangád –  katapangan; pagtatapang-tapangan; turuang hayop, gaya ng aso o kalabaw.

Batingán – uri ng bitag na ginagamitan ng lambat o tali upang ipanghuli sa mga ilahas na hayop o ibon; pook o puwestong pinaglalagyayan ng nasabing bitag.

Bilibíran –  pook na pinag-iikiran ng lubid o tali; pagawaan ng lubid.
Binitagan –  pook na pinaglagyan ng bitag;  nilagyan ng bitag.

Bombóng (bumbong) – buho ng kawayan na ginagawang sisidlan, gaya sa tubig, suka, o barya, o kaya ay lutuan, gaya sa sinaing

kalumpang – uri ng punongkahoy [Sterculia foetida]; May Calumpang din sa Lungsod Marikina, at ito ay marahil sa pagkilala sa punongkahoy na tumutubo noon sa gilid ng pasigan.

Darángan [daráng] –  pook na may pagliliyab ng apoy; pook na mainit;  lantad na pagliyab ng apoy.

Habagatan – uri ng simoy na nagmumula mula sa hilaga, at nagsisimulang humihip pagsapit ng Hunyo; pook na dinaraanan ng habagat

Kinaboógan –  pook na ang mga bungang-kahoy at iba pang ani ay nabubulok o nasisira dahil sa labis na pagkahinog, at hango sa salitang-ugat na boóg, buóg o “nabulok na prutas.”

Líbid – pag-ikid ng lubid o tali; naiikiran ng lubid o tali.

Mambóg – uri ng punongkahoy na ang balát at dahon ay pinaniniwalaang nakagagamot, at ginagamit na pampawi ng kábag. Magagamit ding pandiwa ang mambóg, gaya ng mambugan, magmambog, mambugin na pawang tumutukoy sa paraan ng paggamit ng mambog sa panggagamot.

Palangóy –  katig na tumutulong upang maiwasang tumaob ang bangka 2: bagay na ginagamit na pampalutang, halimbawa, upang matandaan kung saan inihagis ang lambat o bingwit.

Pantók – taluktok ng bundok. Sa Binangonan, maaaring ikabit din ito sa buról.

Pipindán – nilalang kawayan, uway, o sawali na ginagamit ng bubungan habang nangingisda sa gabi ang mga mangingisda; pook na gawaan ng pindan.

Napindan – nilagyan ng pindan o patungo sa Pindan; lagusan na may habang tatlo’t kalahating kilometro
mula sa magkabilang lawa ng laguna at maynila, na karugtong ng ilog pasig at ilog wawa o marikina.

Píla-píla – luad na malagkit, at ginagamit sa paggawa ng palayok, banga, at iba pang gamit na gawa sa lupa.

Sapáng – uri ng punongkahoy na ang dagta o katas ng ugat ay nagbibigay ng mapulang tinà, kaya kung gagamit ng dagat ay sasabihing magsapang, sinapang, sinapangan o sumapang.

Pinagdilawan – hango sa luyang-dilaw
Tayuman – hango sa palumpong at mabalahibong puno na ang katas ng ugat ay ginagawang tinà.
Kasile – isda na mistulang igat mula sa tubig tabang
Tabón – katutubong sari ng ibong mahahaba ang binti.

Buhangin o binuhangin – maliliit na butil ng bigas; tumutukoy din sa pinong-pinong lupa sa baybayin ng lawa o gilid ng ilog

Malakaban – sisidlan ng palay o bigas, hugis-kahon o kahawig ng kaban;
Kalinawan – pook na malinaw ang tubig
Kalawàan – gilid ng lawa o ang buong lawa;
Gulód – tuktok ng buról
Tatalà – pook na nililitawan ng mga bituin o paghahanap ng tala.
Saról – pinakinis na katad o balat ng hayop
Ithan o Itahan; Kaytome – arian ni tome, at Rayap o layap na ibig sabihin ay likas na pagkahilig.
Mambabakaw – mangunguha, manghihingi o mangungupit ng isda sa palengke o tindahan.
Alibutdán – hilaw; sinaing na kinulang sa tubig
Balinggiyót – tao, hayop, ibon, isda, o anumang bagay na maliit o kakaunti.
Biríringkít – biya na ibinilad sa araw at ginagawang daeng; maliliit na hipon na ipiniprito naparang okoy

Buráot – bulaot, taong na mahilig sumabit kung saan-saan, at walang pakialam kung saan ipapadpad ng tadhana, hilig manghingi nang manghingi ngunit bantulot magbigay sa ibang tao; KURIPOT, SAKIM.

Buwíli – maliliit na susông maitim ang talukab at ipinapakain sa mga itik; KUHÓL.
Gangó – hipong ibinilad sa araw para patayuin; HÍBI

Ginamís – kinudkod na niyog na hinaluan ng asukal at linga na nagiging palitaw; ginamós naman ang malilit na isdang gaya ng dilis na binuburo at ginagawang parang bagoong na ginagawang ulam.

Káring-káring – ayunging binilad sa araw gaya ng sa daeng

Kinabóg – mga butil ng mais na hinahaluan ng gulay at asin, pinakukulo sa may apog at kinudkod na niyog; gaya ng mais na ginagawang binatog.

Mambabakaw – palahingi, tulad ng isang miron na mainit ang mga mata at laging nakalahad ang kamay para humingi ng balato.

Minanî – kamoteng kahoy na ginagayat na parang mani, ipiniprito hanggang lumutong; pagyayabang gaya ng mMinani lamang niya ang pag-akyat sa bundok”

Pinalós – kanduli o dalag na nilagyan ng dinikdik o ginayat na luyang dilaw at dinurog na biskotso, iniluto sa suka, bawang, sibuyas, at sinahugan ng gata, kangkong, at iba pang gulay, bukod sa tinitimplahan ng asin o paminta.

Puto-kawalì – balinghoy na binalatan at ginadgad, hinaluan ng pulang asukal, saka ipinirito sa kumukulong mantika, upang gawing puto; huwad na puto

Talahisà – maliliit isda na nakatumpok at ipinagbibili sa palengke; talinghagang taguri sa mga maralita na magkakasama o magkakakulumpon.

Langán – pagpapahalaga sa isang bagay o alaala

Langangán- tagdan ng sibat

Agíhap – sakit sa balat; pamumutlig, pamumula, at pamamaga, at karaniwang sanhi ng impeksiyon o bakterya: singaw o buni

Atê – INDAY, NENE, NENENG, NINING, PALANGGA, PANGGA.
Barangkóng – binti na malaki ang masel at mahusay umakyat ng bundok.
Bímbang – sapak, upak, buntal
Bitalúk – bilaok, hirin, nabulunan, samid; puwede ring kural ng baboy.
Busisî – mabusisi o mapakailam; nambubuwisit
Gurárap – guniguni; malikmata
Halugaygáy – larong pambata sa paghahanap ng bagay sa mga nakatikom na kamay
Hugahóg – maluwag at laylay ang pananamit
Karibók – nagkakagulo, labu-labo sanhi silakbo, galit, away o trahedya.

Kaslág – pag-iinat o pagpag ng katawan; bangon, kilos, banat ng katawan o galaw; pantakip din sa ulunan gaya ng kulandong, o tunog pagaspas ng makapal na damit o telang hinihipan ng hangin

Lasdóy – laylay o lawit ng labing namamaga
Lantitî – paghipo sa dumi o ihi
Malasyó – walang katotohanan; tsismis, paratang o haka-haka.
Manggá-manggá – masel ng katawan, sikmura, bisig, at binti: BATO-BATO o ABS.
Mayangí – mayabang, mapagmataas, at maangas na tao; mataas ang ere
Pisngot – pango o sarat ang ilong

Salapáng – sibat na may pitong tulis at pitong sima; talinghagang salita na panghuli, pang-akit o pambighani ng ibang tao

Subukán – pagalingan ng agimat, mahika, galing o husay, lalo na tuwing mahal na araw
Tulatód – inakabao ng tuhod; KNEE CAP 2; kukote o puil na buto sa dulo ng gulugod sa may puwitan
Úlog (maulog) – mabagal, makupad
Utak-biyâ – mahina ang isip, mangmang, BOBO, HANGAL, ISIP-LAMOK, RETARDADO, TANGA, UGOK.
Yakál – matigas na kahoy; katawang matigas
Hulò – paanan ng bundok.
Akláb – tumatalab, bumabaón o tumatagos; mabisang gamot o agimat
Alag-ag- pagkasindak o pagkatakot, paninindig ng balahibo

Bakál – hukay, bungkal
Bakalán – paghukay o paglinang ng lupa

Baldíg – talbog, pasadsad na pukol ng bato sa ilog o lawa; pukol na bumabalik, gaya ng boomerang o eroplanong papel na bumabalik sa tao na nagpukol nito; BUMABALDIG.

BALIBÁT – suntok na pakadyot sa tadyang ng kalaban; di-makatwirang pagsalungat.

Balúna – tela na pambalot sa unan; PILLOW CASE, PUNDA.

Bangkís- pagtatali na paagapay gaya ng katig ng bangka; BANGKISAN, BANGKISIN, IBANGKIS, MAGBANGKIS, NAGBANGKIS, PABANGKISAN.

Báoy – pagbawi ng ibinigay, para makapagsugal uli; bumaoy, bumabaoy, magbaoy; pagwawala o pagkawala ng bait dahil sa kalasingan o droga

Baráda- maliit na tambol na yari sa inukang kahoy

Bigatót – nilalang kawayan na hugis bote, pahaba ang leeg at pabilog ang katawan, at ginagamit na panghuli ng dalag.

Buksók – malaking sisidlan ng palay na yari sa nilalang kawayan at sawali, parisukat ang bibig ngunit pabilog ang katawan, at kayang maglaman ng sampung kaban ng bigas.

Garaútan – bagahe; abasto; kargamento, bitbit, sunong, pasan o karga ng tao
Gawángan – malaking bangka na panlawa o pantubig-tabang; ambon o banayad na ulan
Hásag – ilawang de-gaas na gamit sa pangingisda
Hulò – paanan ng bundok.

Labangán – parihabang kainan ng baboy na yari sa bato o adobeng inukit
Libís- daungan o daan ng mga bangka; pababang o pataas na daanan
Pagkít – bitag o panghuli sa ibon; pandikit

Patábon – uling na ginawa sa pagtatabon sa hukay ng lupa na niliyaban ng kahoy o bao ng niyog; talinghaga ng bawal na pag-ibig

Tagapò – pook na inaahunan ng tao, at tagaan ng kawayan o pinagkukunan ng kawayan o buho.
Punggi – putol ang buntot

Sampálukan – punongkahoy o halamang kahawig ng sampalok ang dahon at kahoy, may maliliit na butong nasa ilalim ng dahon, at ginagamit na gamot sa hika ang pinakuluang ugat o ipinanambabanyos sa batang sipunin.

Tangán-tangán – punongkahoy na may limang pilas ang dahon na gaya ng kamay ng tao
Bang – kung gayon; napaka- na pasukdol; hindi karaniwan, tulad ng “bang-laki, bang-ganda, bang-dumi, atbp.

One thought on “258th blog … o ano? tatagalugin pa kita, gusto mo?…

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s