269th blog … ka gorio!

 … ka gorio, ni maginoong timawa …

Wala na talagang nakakakilala kay Maginoo Gregorio Pinga. Eh, sino ba siya?

Ang kanyang pagkatao ay kayang ilarawan sa maraming paraan at salita, pero bigyang pansin kaya ng mga mananalaysay sa ngayon ang kanyang angking kasaysayan na sinadyang kalimutan noong mga nagdaang panahon hanggang sa ngayon?

Batay sa isang talaang tungkol sa kasaysayan ng lumang bayan ng Pasig, si Ka Gorio ay isang tunay na gat ng mga taga-ilog, na naging mayor o gobernadorcillo noong mga taong 1864 noong malawak pa ang sakop ng bayang ito na ginawang isang “pueblo” tulad ng Tundo sa panahon ng mga kastila.

Sa ngayon ay isa na lamang maliit na siyudad ang Pasig, tinapyas sa bagong hubog nito para itago ang sinaunang pagkakakilanlan ng mga bayan sa katagalugan, upang malimutan narin ang mga lumang lalawigan sa pulo ng luzon.

Si ka gorio ay isang tunay na heneral ng katipunan na itinalaga dahil sa pangalan ng kanyang angkan na siyang pinag-ugatan ng Magdiwang na kinaaniban nina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Ladislaw Diwa, Licerio Geronimo, Macario Sakay at iba pang mga tunay na katutubo ng pulo.

Ang mga nabanggit ay gumamit ng mga pangalang hango sa mga angkan pinagmulan ng kanilang tagalog na lahi, upang hindi matunton ng mga suwail at traidor na mga kalabang Magdalo ang kanilang mga katutubong angkan.

Si ka gorio ay isa sa mga naging puno ng bayan sa kalakhan ng Pasig noon na itinatag ng bagong gobyernong kastila, at ang kanyang mga ninuno ang  namamatnugot ng pamamahala sa mga mamamayang taga-ilog na dinatnan ng mga mananakop noong mga taong 1570 sa kamaynilaan.

Ngunit ang mga pangalang itinatak ng mga kastila at romanong katoliko sa mga aklat ng kasaysayang sila ang gumawa ay ang mga pangalan ng mga datu, sultan, raha at lakan sa mga baybayin ng lawang maynila na una nilang nakisalamuha at umayon sa kanilang mga patakarang dayuhan.

Kinalumutan nila ang mga pangalan ng mga gat, dayang, pati na ang mga haring tagalog sa pulo ng ginto na tunay na sinasanto ng mga unang mamamayan sa katagalugan.

Ito ang resulta ng “divide and conquer” na isinagawa sa tulong ng mga mestisong mamamayang intsik at iba pang haluang-dugo upang tuluyang malimot ng mga katutubong tagalog ang mga lumang bayan at lalawigang tunay na kinagisnan.

Ang mga ninuno ni ka gorio ay kabilang sa isang lahing tagalog na humubog ng isang kaisipang malaya para sa isang lalawigang tinawag noon na Mabunga na isang kaharian sa turing ng mga lumipas na panahon.

Ang mabunga ay kasabayan ng mga antigong lalawigang tinawag na bikol, kalilaya, kumintang at iloko na kinilala ng mga taga-ilog sa pulo ng ginto na tinawag rin nilang luson.

Kaya ang tanong, bakit sa simula pa lamang ng mga bagong bayang itinatag ng mga dayuhan sa lupaing tagalog ay hinikayat na ng mga mananakop at paring kastila ang angkan ng mga pinga na tumulong sa malawakang pakana sa pamamahala ng isang pinag-iimbutang kalupaan ng isang bukod-tanging paraiso na tinawag noong unang panahon na “Pulo ng Ginto”?

Kailangan ng mga dayuhan ang mga katauhan ng mga maginoo upang mahikayat nila ang mga katutubong tagalog na gumalang at sumunod sa bagong pamahalaang itinatatag.

Batid na nila ang kinahinatnan ng mga bisaya, muslim, intsik at kapangpangan na nagtangkang sumakop sa pulo, na naging dahilan kung bakit ginamit nila ang katauhan ng mga maginoong tagalog sa kanilang pananakop at pagkamkam ng mga lupain ng mga taga-ilog.

Ito kaya ang dahilan kung bakit nila tinanggap nila ng buong puso ang pagkatalaga ni gregorio at ng kanyang mga kaliping maginoo bilang pinuno ng isang pamayanang kanilang dinatnan? O, higit pa dito ang kanilang dahilan? O tungkol ito sa kanilang malawakang pagkamkam sa lupain at kayamanan ng mga maginoo?

Mga unang taon pa lamang ng 1500 ay alam na ng mga kastila kung sino ang namamatnugot na angkan sa lupaing mabunga batay sa mga naitala pero itinago naman ng mga paring agustinian, franciscan at heswita batay sa mga kuwento ng mga bisayang muslim na kanilang unang nasakop.

Maging sa mga encomienda, hacienda at pueblong itinatag sa luzon sa ilalim ng pamamahala ng mga banyaga, ipinamalas ng mga timawang katutubo ang patuloy na paggalang sa mga maginoo, sa mga gat at dayang sa kanilang maayos na pag-ugit at pamamahala ng mga bayan at lalawigan, hanggang sa panahon ni ka gorio.

Naging sapilitan ang pagkontrol ng mga kastila sa pamamahala ng mga asyenda sa pamamaraan ng krus at espada sa pamamagitan ng matimyas na pandarayang mga salita.

Sa kaalaman ng lahat, ang mga asyenda ay direktang pinamahalaan ng mga opisyal, sundalo at pareng kastila, na siyang dahilan ng pagkakahati-hati ng lupaing tagalog. Naging simula ito ng walang patumanggang kamkaman ng mga katutubong yaman ng mga mamamayan.

Noong mga panahong iyon, naging governardorcillo din ang isang singson sa dakong ilocos naman na maaaring magpatunay na ang mga lahing intsik ay malaon na ring namuhay o nanirahan sa luzon, gaya ng mga unang tuason, bengzon, tecson, biason, joson, pozon, liamzon, hizon, dizon, sison at iba pang mga angkang nakihati o nakipag-agawan sa lupaing tagalog , ayon sa mga salaysay na lihim na aking napag-alaman.

Ang mga haluang dugo ang tumawag na “don” kay maginoong gregorio at sa paglakad ng mga araw ay naging kaugaliang ikabit ang titulong “don” ng mga kastila sa mga pangalan ng mga taong naging mayaman bilang paggalang sa kanila.

Pero ang talagang tawag ng mga katutubo sa kanya ay “Ka Gorio” na ang kahulugan ay kapanalig, kapatid, o kasama. Ang iba naman ay tumatawag sa kanya ng “Mang” na ang ibig sabihin noon ay “magiting na ginoo”.

Tulad ng nangyari kay Gat Lawis na namahala sa isang kagubatan sa antipolo, na ng lumaon ay tinawag na lamang siya na “ka lawis” na ang kahulugan din ay kapanalig, kapatid o kasamang lawis.

Para sa di nakakaalam, ang lugar na tinawag ngayon na “calauis” ang tagpuan ng “magdiwang” na tumalunton sa kahabaan ng ilog wawa, na isa sa mga libingan ng kasaysayan ng mga taga-ilog.

Tulad din nito ang mga pangyayari sa buhay ni Gat Timog na namuhay noon sa paligid ng lawang babae na tinawag na laguna ng mga dayuhan.

Ganito rin ang nangyari sa mga katutubong namahala sa kapaligiran ng lawang maynila noong buo pa o hindi pa lumulubog ang mga tulayang lupa sa tuktok ng bundok sa paligid ng lawa.

Sa pag-ikot sa kabuuan ng dalawang magkapatid na lawa, ipinahahatid ng mga katutubong tagalog ang kanilang panalangin ng pasasalamat sa dakilang maykapal sa pamamagitan ng kanilang mga ninunong tunay na iginagalang.

Nabago ang mga kaugalian at pananaw ng mga katutubo, binago ng mga kastilang mananakop upang mapalaganap ang sarili nilang kabihasnan, upang tuluyang iwaglit ng mga tagalog ang kahalagahan ng mga “anito” sa kanilang kinagisnang pamumuhay o kabihasnan.

Kinalimutan na rin nila ang mga gat at dayang na siyang itinakda ng mga maginoong tagalog na mamuno sa iba’t ibang balanghay. Ipinalit nila ang mga hiram na salitang datu, raha, sultan, at maging ang lakan na naging kabahagi na ng kabihasnang tagalog.

Ipinalit nila ang mga katawagang governadorcillo, presidente, theniente, capitan at maraming pang titulo ng pagkakakilanlan, sa halip na mga payak na panggalang ng mga sinaunang tagalog tulad ng gat at dayang-dayang.

Pook ng tundun o tundo na sakop ng lupang mabunga ang tinubuan ni gregorio, sa dako ng lawang maynilad, na tinandaan ng ilog pasig at ilog wawa bilang daanan ng mga “trozo” o mga kahoy at mga punong tinatangay ng mga agos mula sa amang bundok.

Pero tinawag nilang sierra madre ang kagubatang pinagmumulan ng mga ilog patungo sa bunganga ng lawang maynilad.

Ang mga malalaking kahoy na ito ay ginagamit ng mga katutubo sa kanilang paggawa o pagkumpuni ng mga sasakyang pandagat para sa paglalayag ng mga mandirigmang tagalog.

Dito sinimulan ng mga kastila ang malawakang kalakalan ng galyon sa pagitan ng Maynila at Akapulko.

Sa Maynila rin itinayo ng mga kastila ang San Jose de Trozo church dahilan nga sa napakaraming mga haliging kahoy na inaanod sa ilog pasig at ilog wawa mula sa mga kabundukan.

Sa ngayon, alam ng mga taga Maynila na ito ang lugar ng Binondo o Tundo, katatagpuan ng munting batis na tinawag ng mga kastila na mga “estero”.

Isa rito ang “estero de Magdalena” na kahanay ng isang daanan sa lupa na kilala ding “masangkay street” na noon ay tinawag din nilang “calle magdalena”.

Si Magdalena ay mula sa maginoong angkan ng mga pinga na siyang sumulat ng isang testamento ng pagpapamana ng mga lupain maginoo para sa mga timawang tagalog.

Ang testamentong ito ay pinagbatayan sa panahon ng pamahalaang amerikano upang malutas daw ang walang katapusang angkinan ng lupang tagalog.

Sa tulong ng isang kalahi ng mga pinga na naging bantog sa buong mundo sa tulong ng mga amerikano, ay naisakatuparan ang malawakang pagsasaayos ng pag-aari ng mga lupaing tagalog, batay sa documentong tinawag na “torrens title”, na ginamit nina Quezon at Ortigas para sa paghahati-hati ng lupang payatas na sa ngayon ay pag-aari na ng mga mamamayang mapagkamkam.

Dito nagkaroon ng pagkakataon ang marami pang mga mestisong angkan na gumamit ng mga panlilinlang, at malalaman natin sa ngayon kung bakit at sinu-sino ang mga mag-ari ng mga malalawak na lupain na dapat ay nasa pangalan ng mga mamamayang katutubo sa katagalugan.

Para sa munting kaalaman ng lahat, si donya magdalena ay isa sa apat na magkakapatid na maginoo na sina Enrique, Mathias, Magdalena at Juan, na kabilang din sa angkan ni Gregorio.

May nagsabi noon na si Mang Gorio ay ang siyang unang Tata ng bilibid bilang paggalang sa kanyang mataas na pagkatao maging sa loob ng kulungan.

Paano nangyari ito at ano ang ibig sabihin ng “tata” at “bilibid”? Panahon noon ng masidhing hidwaan ng mga katutubo sa mga mamamayang mestiso o haluang dugo na karamihan ay mga intsik at mehikano.

Nabubuo na ang “gremios de mestizos” na pinalakas ng pangkat ng mga “Magdalo”, laban sa mga “naturales” o katutubo.

Sa mga labanang naganap sa pagitan ng mga mamamayan, ang mga kastila ay nagpakana na lalong patindihin ang silab at alab ng alitan ng mga tao.

Kanilang inisip na bigyan ng tulong o kampihan ang mga mestiso o haluang dugo, sa tulong ng kaparian ng iglesia catolica romana.

Sa isang pagkakataon ay pinamahalaan ng isang mestisong meksikano na nagngangalang Mesa o Misa ang kulungang tinawag na bilibid. Wala pang makapagsabi o makapagpatunay kung siya ay naging kasapi ng magdiwang, magdalo, katipunan, o dili kaya ay napailalim sa basbas ng naghaharing mga kastila noon.

Tulad din ito sa nangyari sa isang kapangpangan na naging tagapamahala ng mga dayuhang kastila sa moog o “fort” ng maynila. Kaya nga tinawag na laksamana ng mga katutubong tagalog ang kanilang angkang nag-akala na magiging laksa-laksa ang mamamana mula sa intramuros dahil sa mga kastila.

Ang pangkat ng “Magdiwang” ay pinagtibay naman ng pagsanib ng mga makabayang tulad nina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Ladislaw Diwa at isang babaing mandirigma na binansagan lamang na Monica sa kabila na kanyang pagiging maginoo.

Laganap ang awayang naganap at ang mga katutubong umanib sa pangkat ng Magdiwang ay hinuli, pinarusahan at ikinulong sa lugar ng kamaynilaan na tinawag noon na “bilibid”.

Ang salitang bilibid ay lumang tagalog na ang kahulugan ay “pagkabuhol” na ang tinutukoy ay ang mga sinulid ng abaka na pinagtagni-tagni upang ikabuhay ng mga tagalog sa kamaynilaan. Ang abakang lubid ay napakahalagang kalakal ng mga katutubo noon pang unang panahon.

Sa panahon ng mga kastila, ang abaka ay nagsilbing malaking gawaing panustos sa mga malalaking barko ng galeyong kastila para sa maynila at acapulco.

Ang kalakal sa abaka, mais at bigas, bukod pa sa mga mamahaling bato ng ating mga ilog at lupa, ang nais ng mga mestiso na maging kanila na ikinagagalit naman ng mga katutubong tagalog.

Kailangan ng mga kastila ang mga lubid sa barko at malaon ng laganap sa mundo ang kahusayan ng “manila hemp” kaya marapat para sa kanila na makontrol ang paggawa, pangangalakal at paglalako nito na dating ginagawa ng mga katutubong tagalog.

Ang mga timawang kaanib ng Magdiwang na ayaw pumailalim sa kontrol at pamamahala ng mga kastila at mga mestiso, ay hinuli, ikinulong at pinarusahan mismo sa lugar ng bilibid.

Ang “bilibid viejo” ay naging bantog noon bilang bilihan ng lubid na abaka. Kayo naman ang mag-isip kung paano naman nagkaroon ng “bilibid nuevo”.

Si Don Gregorio ang naging takbuhan ng mga katutubong naapi sa mga dahas at pagtampalasan ng mga dayuhang mapagsamantala.

Tulad din ng paghingi ng saklolo ng mga mga timawa kay Aling Magdalena noong magsagupa naman ang mga kastila at Ingles sa isang “bagong ilog” na nagkakawil sa dalawang ilog na pasig at wawa.

Nagpatuloy ang paglakas ng alyansa ng mga dayuhang sundalo at paring kastila sa mga haluang dugo, at unti-unting nawalan ng lakas ang matandang maginoo.

Siya mismo ay idinakip at kinulong ng mga kalaban na naging dahilan para mag-alab ang mga damdamin ng iba pang mga katutubo.

Dahil dito ay naging laganap at maalab ang pag-anib ng mga mamamayan sa kilusang Magdiwang na pinamunuan nina Jacinto, Diwa at Bonifacio.

Si Don Gregorio at ang kanyang kaanak na si Monica ay itinuring ding mga kasapi, na ginawang dahilan upang siya ay dakpin at ikulong.

Hindi na nalaman pa ang nangyari kay Monica at kung anu-anong salasay ang ikinalat tungkol sa kanya kasama na ang pagiging kalapating mababa ang lipad.

Ang matandang maginoo naman, sa katauhan ni ka gorio na isa sa mga nanguna sa pagtataguyod ng adhikaing republika ng katagalugan, ay namuno pa sa buong bayan ng Pasig, bilang gobernadorcillo.

Ang adhikain ng Magdiwang ay patuloy na isinulong nina Macario Sakay at Glicerio Geronimo hanggang sa panahon ng mga amerikano.

Dapat ring isama rito ang pakikipagsapalaran ng mag-amang heneral na sina Mariano at Santiago Alvarez ng kabite na mga tapat na heneral at kaanib na Magdiwang ng Katipunan.

Alam na natin ang nangyari sa kasaysayan, ang pananagumpay ng pangkat Magdalo nina Aginaldo, at ang pagkaunsiyami ng mga malalayang timawa sa kanilang pinangarap na republika ng katagalugan at ang gantimpalang kamatayan sa mga maginoong mandirigma ng katagalugan.

Hindi namatay si Mang Gregorio sa kulungan dahil nga sa natala pa ang kanyang pangalan bilang isa sa mga naunang “mayor” ng bayan ng Pasig noong 1864.

Nalagdaan pa niya ang ilang kasulatan tungkol sa pangako o payatas ng kanilang mga maginoong angkan na ipamahagi ang kanilang mga lupain ayon sa huling habilin ng kaniyang maginoong ninuno na si Magdalena, batay sa isang ulat na aking nabasa.

Sa kasalukuyan, hindi na inaalam pa ng mga mamamayan ang pinagsimulan ng kanilang pinag-aagawang lupang payatas at lupang pari dahil wala naman silang mababasang aklat o ulat mula sa gobyerno maging sa simbahang katoliko tungkol dito.

Hindi na mahalaga kung pano at bakit nangyari, pero hindi pa rin matatakpan ang katotohanan sa buhay ng magkakapatid na sina Magdalena, Enrique, Mathias at Juan, na nagmula sa angkan ng mga Pinga at Huse.

Sila ay isa lamang sa mga lantay na mandirigma ng isang liping tagalog, na namuhay sa isang kahariang Mabunga sa pulo ng ginto na tinatawag na Luzon ngayon.

Sa ibang pagkakataon ay pipilitin kong sariwain ang mga iba pang kuntil-butil ng alaala tungkol sa naging buhay ni Mang Gorio, ang maginoong mandirigma, ayon sa mga kuwentong-bukid at salaysay ng mga tagabundok na hindi nasulat kailanman.

Nagpapasalamat ako sa isang estudyante ng history sa U.P. na minsan ay aking nakadaumpalad, na siyang nagbigay sa akin ng kaisipang siyasatin ang tungkol sa naging buhay ng isang namumukod na nilalang.

Ayon sa kanyang pananaliksik ay isang matandang katipunero na ang pangalan ay gregorio pinga ang nakulong sa bilibid viejo noong bago palang natutuklasan ng mga kastila ang katipunan nina Bonifacio.

Ako mismo ay nagitla sa natuklasan kong mga detalye ng pakikihamok ng naturang mandirigma sa digmaan ng buhay, kaya minabuti kong isama ang mga ito bilang pamantayan ng aking sariling muni-muni o bulay-bulay tungkol sa kasaysayan ng mga tunay na tagalog.

Pero hindi na kailangang pagtibayin pa ng mga nagpapantasyang marurunong na mga paham sa kasaysayan ang ulat na narito dahil batid ko na ang kanilang batayan ng kasaysayan ay ang mga aklat ng mga dayuhan at simbahan, hindi ang mga nalalaman ng mga mamamayang inapi ng panahon at pagkakataon.

One thought on “269th blog … ka gorio!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s